Mahalagang bahagi ng proseso ng paggawa ng panuntunan ng FCC ang pagtipon at pagsusuri ng mga komento mula sa publiko, at nagiging daan ito upang lumahok ang publiko sa pagbuo ng mga panuntunan at patakarang nakakaapekto sa mga usapin sa telekomunikasyon at pag-broadcast.

Tuwing magpapatupad ng batas ang Kongreso na nakakaapekto sa telekomunikasyon, nagsisimula ng pagdinig (sa Ingles) ang FCC upang gawin ang mga panuntunan at patakaran ayon sa iniaatas ng bagong batas. Maaari ring magsimula ng pagdinig ang komisyon kapag may panlabas na partidong naghain ng petisyong naghahangad ng bagong batas o pagbabago sa mga kasalukuyang panuntunan.

Pinapagtibay ang karamihan ng mga panuntunan ng FCC sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na "pag-aabiso para sa komento" na paggawa ng panuntunan, na nag-aabiso sa publiko na pinag-iisipan nitong pagtibayin o baguhin ang mga panuntunan sa isang partikular na paksa at hinihingi nito ang komento ng publiko. Isinasaalang-alang ng Komisyon ang mga komentong natanggap sa pagbuo ng mga pinal na panuntunan.

Matuto pa tungkol sa mga proseso ng pagpapasya (sa Ingles) ng FCC.

Pagsusumite ng Mga Komento

Kapag magsusumite ng mga komento sa FCC, tandaang:

  • Dapat ihain ang lahat ng komento sa wikang Ingles.
  • Dapat isama sa mga komento ang iyong pangalan.
  • Dapat mong ilagay ang docket number o rulemaking number ng pagdinig para sa kaukulang komento. Makikita ang docket number o rulemaking number ng pagdinig sa unang pahina ng dokumento ng FCC o sa Abiso sa Publiko na nagbubukas ng pagdinig.
  • Maaari kang maghain ng komento sa elektronikong paraan at sa format na papel.
    • Dapat ihain ang mga elektronikong komento hanggang hatinggabi nang Eastern Time sa petsa ng deadline ng pagsusumite ng komento.
    • Dapat ihain ang mga pasulat na komento hanggang 7 p.m. ET sa petsa ng deadline ng pagsusumite ng komento.
  • Isasapubliko ang mga komentong isusumite mo sa FCC.

Paghahain sa Elektronikong Paraan

Magagamit mo ang System sa Paghahain ng Komento sa Elektronikong Paraan (Electronic Comment Filing System, ECFS) (sa Ingles) ng FCC upang magsumite ng mga komento sa pamamagitan ng internet para sa mga nakapilang pagdinig o pagdinig sa paggawa ng panuntunan.

Ang ECFS Express ay isang pinasimpleng proseso ng paghahain ng komento para sa mga consumer na nakabatay sa mga paksa, sa halip na sa isang docket o rulemaking number. Inililista ng ECFS Express ang mga paksang (sa Ingles) itinuturing na pinakamahalaga. Kapag nag-click sa isang paksa, magagawa ng isang indibidwal na maglagay ng personal na impormasyon, magsulat ng kanyang mga komento, at pindutin ang ipadala upang maihain ang mga komento.

Kadalasan, maghahain ka ng isang kopya lang ng elektronikong komento, ngunit kung maghahain ka ng mga komento sa isang pagdinig na naglilista ng maraming docket o rulemaking number sa unang pahina nito, dapat mong gamitin ang standard upload form at hindi ang ECFS Express. Tingnan ang Mga Madalas Itanong tungkol sa ECFS (sa Ingles) para sa higit pang impormasyon.

Para sa tulong sa paggamit ng ECFS, magpadala ng email sa ECFS@fcc.gov, o tawagan ang ECFS Help Desk sa (202) 418-0193, Lunes hanggang Biyernes, mula 8:30 a.m. hanggang 4:30 p.m. ET.

Paghahain sa Format na Papel

Maaaring ihain ang mga naka-print na kopya ng mga komento sa Komisyon nang hindi lalampas sa 7:00 p.m. ET sa petsa ng deadline. Maglakip ng orihinal (na may orihinal na lagda) at apat na kopya ng iyong komento, at tiyaking may nakalagay na pangalan, address, at numero ng telepono sa pakikipag-ugnayan sa iyong mga komento. Mag-type gamit ang 12-point o mas malaking font o magsulat nang malinaw. Hindi na kailangan ng mga cover letter. Kung kumpidensyal ang iyong mga komento, lagyan ng label ang bawat pahina na "Hindi para sa Pampublikong Pagsisiyasat" o "Kumpidensyal" sa kanang sulok sa itaas at magbigay ng paliwanag kung bakit ka naniniwalang dapat kumpidensyal ang paghahain. Tingnan ang kumpletong alituntunin para sa paghahain ng mga komento sa papel (sa Ingles).

Address para sa mga dokumentong personal na ipapadala:

Marlene H. Dortch, Secretary
Federal Communications Commission
Office of the Secretary
45 L Street NE
Washington, DC 20554
Tumatanggap mula 8:00 a.m. hanggang 7:00 p.m. ET.

Address para sa U.S. Postal Service mail:

Marlene H. Dortch, Secretary
Federal Communications Commission
Office of the Secretary
45 L Street NE
Washington, DC 20554

Ang komersyal na pagpapadala sa loob ng magdamag, maliban pa sa U.S. Postal Service Express mail at Priority mail, ay dapat lagyan ng address na:

Marlene H. Dortch, Secretary
Federal Communications Commission
Office of the Secretary
9050 Junction Drive
Annapolis Junction, MD 20701

Mga Komento mula sa Mga Taong May Kapansanan

Ang mga taong may kapansanan na maghahain ng mga komento sa mga hindi naka-print na format ay dapat maglagay ng pangalan, address, at numero ng telepono sa pakikipag-ugnayan. Palaging isaad ang docket o rulemaking number kapag naghahain sa mga pagdinig ng Komisyon. Mapapabilis ang pagproseso kapag nagbigay ng naka-print na kopya. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa access para sa mga taong may kapansanan, magpadala ng email sa FCC504@fcc.gov o tumawag sa 1-202-418-0530 (voice), o 1-202-418-0432 (TTY).

Mga Acronym at Termino

Ang mga sumusunod ay mga termino at acronym na nauugnay sa FCC at ilang tagubiling makakatulong sa iyo sa paghahain ng mga komento at pag-unawa sa mga proseso ng pagpapasya ng FCC.

En banc

Ang en banc na pagdinig ay isang presentasyon sa buong Komisyon tungkol sa mga partikular na paksa, na kadalasang ginagawa ng mga kinatawan ng mga panlabas na grupong may interes sa usapin. Kabilang sa mga paksa para sa mga en banc na pagdinig ang Pagmamay-ari ng Pambatang Telebisyon, Digital na Telebisyon, at Pag-broadcast.

Ex parte

Tinitiyak ng mga panuntunan sa ex parte ng FCC na may patas na pagkakataon ang lahat ng kalahok sa isang pagdinig ng FCC upang malaman ang mga pananaw na ipinresenta ng iba sa pagdinig. Ang ex parte na presentasyon ay anumang pasulat o pasalitang pakikipag-usap ng isang panlabas na partido sa Komisyon, o sinumang tauhan ng Komisyon na may kinalaman sa pagpapasya, na nakadirekta sa mga merit o resulta ng isang pagdinig at hindi ibinigay (ipinadala o inihatid) sa lahat ng partido sa pagdinig (kung pasulat) o hindi maagang naabiso sa lahat ng partido (kung pasalita). Itinatakda ng mga panuntunan sa ex parte kung, at sa anong sitwasyon, maaaring magsagawa ng mga ex parte na presentasyon sa FCC. Ang karamihan ng mga pagdinig sa paggawa ng panuntunan ay "pahihintulutan kapag naghayag," na nangangahulugang papayagan ang mga ex parte na presentasyon hangga’t maghahain ng mga kopya (o kung mga pasalitang presentasyon, mga pasulat na buod) sa talaan ng pagdinig. Ang iba pang partikular na pagdinig, gaya ng mga nakatalaga para sa mga paglilitis at pagdinig para sa lisensya, ay "pinaghihigpitan," na nangangahulugang ipinagbabawal ang mga ex parte na pakikipag-usap maliban kung partikular na ibinukod. Makakakuha ka ng kopya ng mga panuntunan sa ex parte ng FCC online sa: mga panuntunan sa ex parte online (sa Ingles), o sa pamamagitan ng pagtawag sa Office of the Secretary ng FCC sa (202) 418-0300, o (202) 418-2960 (TTY).

Karagdagang Abiso tungkol sa Ipinapanukalang Paggawa ng Panuntunan (Further Notice of Proposed Rulemaking, FNPRM)

Pagkatapos suriin ang mga komentong natanggap bilang tugon sa isang NPRM, maglalabas ang FCC ng FNPRM na nanghihingi ng karagdagang komento ng publiko tungkol sa ilang partikular na usapin sa pagdinig, o ng Ulat at Kautusan (Report and Order, R&O).

Memorandum na Opinyon at Kautusan (Memorandum Opinion and Order, (MO&O)

Maaaring magpatibay ang FCC ng MO&O bilang tugon sa iba pang kahilingan mula sa mga panlabas na entity, gaya ng mga petisyon para sa waiver o mga petisyon para sa forbearance, o kapag nagsagawa ito ng iba pang pagkilos sa isang pagdinig.

Abiso sa Pagsisiyasat (Notice of Inquiry, NOI)

Nagbibigay ang FCC ng NOI upang mangalap ng mga katotohanan at impormasyon tungkol sa isang partikular na paksa o usapin upang malaman kung kailangan ng higit pang pagkilos mula sa FCC. Karaniwang nagtatanong ang isang NOI tungkol sa isang partikular na paksa at nanghihingi ng mga komento mula sa publiko tungkol sa paksang iyon.

Abiso tungkol sa Ipinapanukalang Paggawa ng Panuntunan (Notice of Proposed Rulemaking, NPRM)

Naglalabas ang FCC ng NPRM upang magpanukala ng mga bagong panuntunan o pagbabago sa mga kasalukuyang panuntunan at manghingi ng mga komento sa mga panukala. Naglalathala ng buod ng NPRM sa Federal Register at inaanunsyo ang mga deadline para sa paghahain ng mga komento at tugon sa mga komento.

Kautusan sa Muling Pagsasaalang-alang

Nagpapatibay ang FCC ng Kautusan sa Muling Pagsasaalang-alang bilang tugon sa isang Petisyon para sa Muling Pagsasaalang-alang. Binabago nito ang isang naunang pagkilos ng FCC o isinasaad nito kung bakit hindi mababago ang pagkilos.

Petisyon para sa Paggawa ng Panuntunan (Petisyon)

Naghahain ng Petisyon ang isang taong hindi kabilang sa FCC upang magmungkahi ng mga bagong panuntunan o pagbabago sa mga kasalukuyang panuntunan. Maliban kung may ibang nakasaad sa Abiso sa Publiko ng FCC na nanghihingi ng komento sa petisyon, mayroong 30 araw ang publiko mula sa petsa ng Abiso sa Publiko upang magsumite ng mga komento kung dapat bang pagbigyan o tanggihan ng FCC ang petisyon. Pagkatapos suriin ang mga komentong natanggap bilang tugon sa petisyon, maglalabas ang FCC ng Ulat at Kautusan (Report and Order, R&O) na magbabasura sa petisyon, Abiso sa Pagsisiyasat (Notice of Inquiry, NOI), o Abiso tungkol sa Ipinapanukalang Paggawa ng Panuntunan (Notice of Proposed Rulemaking, NPRM). Matitingnan ang mga kopya ng Mga Petisyon para sa Paggawa ng Panuntunan sa System sa Paghahain ng Komento sa Elektronikong Paraan (Electronic Comment Filing System, ECFS) ng FCC, at masisiyasat ang mga ito sa Reference Information Center ng FCC sa 45 L Street NE, Washington, DC 20554.

Abiso sa Publiko (Public Notice, PN)

Maglalabas ang FCC ng PN upang maabisuhan ang publiko tungkol sa isang pagkilos o pangyayari. Kung minsan, nanghihikayat ang PN na magbigay ng komento ang publiko. Kapag nanghihingi ang PN ng komento ng publiko, karaniwang kasama rito ang mga deadline sa paghahain at impormasyon sa kung paano maghain ng mga komento.

Ulat at Kautusan (Report and Order, R&O)

Ang R&O ay nagpapatibay ng mga bagong panuntunan, nagsususog ng mga kasalukuyang panuntunan, o nagpapahayag na walang gagawing pagbabago. Kung minsan, naglalabas ang FCC ng pinagsamang R&O at FNPRM. Naglalathala ang FCC ng mga buod ng mga FNPRM at R&O sa Federal Register, at ipinapahayag din nito kung kailan magkakaroon ng bisa ang isang pagbabago sa panuntunan.

Petisyon para sa Muling Pagsasaalang-alang

Maaaring maghain ng Petisyon para sa Muling Pagsasaalang-alang ang isang partido sa loob ng 30 araw mula sa petsa ng paglabas ng buod ng R&O sa Federal Register. Pormal na hinihiling ng Petisyon para sa Muling Pagsasaalang-alang sa FCC na baguhin ang napagpasyahan nito.

Privacy at Online na Impormasyon

Kung boluntaryo kang magbibigay sa FCC ng personal na impormasyon, sa pamamagitan ng pagpapadala ng email o pagsagot ng form at pagsusumite nito sa pamamagitan ng aming website, isinasaad mo na boluntaryo mong pinahihintulutan ang FCC na gamitin ang impormasyong isusumite mo upang tugunan ang iyong mensahe at upang tulungan kaming ibigay sa iyo ang impormasyon at mga serbisyong hiniling mo.

Ang isusumite mo, kabilang ang personal na impormasyon, ay maaaring ibahagi sa loob ng FCC at sa iba pang ahensya ng Pederal na Pamahalaan o Estado, o sa iba pa kung kinakailangan upang tugunan ang mga usaping nakasaad sa iyong isusumite, kung pinapayagan ng sistema ng mga talaan ng Komisyon o kaya ay kung iniaatas o pinahihintulutan ng batas, kabilang ang mga kahilingan mula sa Kongreso, kahilingan alinsunod sa Batas sa Malayang Pagkuha ng Impormasyon (Freedom of Information Act) mula sa mga pribadong indibidwal o kumpanya, para sa pagpapatupad ng batas, para sa mga regular na paggamit ng ahensya na alinsunod sa Batas sa Privacy (Privacy Act), o alinsunod sa aming mga panuntunan sa access at pampublikong talaan.

Patuloy na nagsisikap ang Komisyon upang magtakda at magpatupad ng mga pamamaraan upang pangasiwaan ang pagkuha, pagpapanatili, paggamit, at pamamahagi ng impormasyong pinoprotektahan ng Batas sa Privacy (Privacy Act). Bisitahin ang aming Web Page ng Batas sa Privacy (Privacy Act) (sa Ingles) para sa kumpletong impormasyon tungkol sa aming pagsunod sa Privacy Act of 1974, at impormasyon sa kung paano maghain ng kahilingan sa Batas sa Privacy (Privacy Act).

Isasapubliko ang anumang komentong isusumite mo sa FCC para sa isang ipinapanukalang paggawa ng panuntunan, petisyon, o iba pang dokumento kung saan hinihiling ang komento ng publiko, kabilang ang anumang impormasyong nagbibigay ng personal na pagkakakilanlan na isasama mo sa isusumite mo. Maaari kaming magbahagi sa iba, maging sa publiko, ng impormasyong hindi nagbibigay ng personal na pagkakakilanlan, nang pinagsama-sama, nang bahagi lang o sa na-edit na anyo, o nang eksakto.

Date Last Updated/Reviewed:

Mga Kahilingan para sa Alternatibong Format

Maaaring humiling ang mga taong may kapansanan sa paningin ng mga bersyon sa braille, may malaking print, o magagamit sa screen-reader ng artikulong ito sa pamamagitan ng anyong email sa fcc504@fcc.gov (sa English). Para sa audio at iba pang access, gamitin ang link na "I-explore ang Mga Opsyon sa Accessibility."

 

Help Center ng Consumer

Matuto tungkol sa mga isyu ng consumer - bisitahin ang Help Center ng Consumer ng FCC sa fcc.gov/consumers. Nasa wikang Ingles ang web page)

 

Maghain ng Reklamo sa FCC

Maghain ng Reklamo sa FCC

Pumunta sa aming Center sa Pagrereklamo ng Consumer sa consumercomplaints.fcc.gov (nasa wikang Ingles ang web page) upang maghain ng reklamo o sabihin sa amin ang nangyari sa iyo.