Nabago ng pandemya ng COVID-19 ang karamihan sa ating mga nakagawian, kabilang kung paano tayo nagbabayad. Mas dumarami ang mga consumer na pumipili ng contactless na opsyon sa pagbabayad para mapanatiling ligtas ang kanilang sarili at ang mga vendor. Bilang resulta, dumarami ang gumagamit ng mga peer-to-peer (P2P) na app sa pagbabayad sa mobile gaya ng CashApp, Venmo, at Zelle.
Idinisenyo ang mga P2P app para pasimplehin ang mga transaksyon sa pananalapi sa pagitan ng mga taong magkakakilala at may tiwala sa isa’t isa, gaya ng paghahati-hati ng bayad sa hapunan o pagpapadala ng bayad sa utility bill sa kasama sa kwarto. Nagdagdag din ang ilang app ng higit pang tradisyunal na serbisyo sa pananalapi gaya ng mga debit card at routing number. Gayunpaman, hindi tulad ng mga tradisyunal na bangko at credit card, ang mga serbisyo ng app sa pagbabayad ay madalas na nagkukulang sa mga parehong proteksyon sa panloloko (sa English).
Habang mas nagiging komportable ang mga Amerikano sa paggamit ng mga app na ito, inakma ng mga scammer ang kanilang mga diskarte para samantalahin ang bilis at madalas ay anonymous na access sa perang naibibigay ng mga ito. Marami sa mga scam na nakalista sa aming Glossary ng Scam (sa English) ay nanghihingi na ngayong magpadala ng pera gamit ang isang P2P app sa halip na isang gift card, matagal nang paborito ng mga scammer (sa English).
Tahasang binabalaan ng karamihan ng P2P app ang mga consumer na iwasang gumamit ng mga P2P na pagbabayad para sa pagbili ng mga produkto o serbisyo. Kahit ang isang lehitimong transaksyon ay posibleng magkamali sa pamamagitan ng paglalagay ng hindi tamang numero ng telepono o maling pagbabaybay ng pangalan ng tatanggap, na magreresulta sa pagpapadala ng mga pondo sa maling tao. Kapag nailipat na ang mga pondo, maituturing na nawala na ang pera.
Nanghihingi ang ilang scammer ng pekeng donasyon sa charity gamit ang mga P2P app. Bago magbigay ng donasyon gamit ang isang P2P app, palaging suriin ang website ng charity para makumpirma na tumatanggap sila ng mga donasyon sa pamamagitan ng app na iyon.
Para sa mga personal na transaksyon, subukan ang mga contactless na opsyon sa pagbabayad na built in sa iyong mobile device o sa iyong mga umiiral nang credit card.
Narito ang ilang pang ibang hakbang para matulungan kang makaiwas na ma-scam kapag gumagamit ng mga app sa pagbabayad:
- Suriin ang mga patakaran sa proteksyon sa panloloko ng app at unawain kung magagawa mo at kung paano mo mababawi ang mga pondo kung sakaling magkaproblema.
- I-link ang iyong app sa pagpapadala ng pera sa isang credit card sa halip na sa isang debit card o sa iyong bank account. May dagdag proteksyon ang credit card kung sakaling hindi mo matanggap ang mga produkto o serbisyo na binili mo.
- Mag-ingat sa anumang negosyong tumatanggap lang ng mga pagbabayad gamit ang P2P na app sa pagbabayad o pre-paid na debit card. Ituring itong babala.
- Palaging kumpirmahin ang impormasyon ng tatanggap bago gumawa ng anumang pagbabayad.
- Huwag kailanman magpadala ng mga P2P na pagbabayad sa - o tumanggap ng mga pagbabayad mula sa - hindi mo kakilala.
- Palaging gumawa ng hindi madaling mahulaan, natatanging mga password at i-disable ang mga awtomatikong pag-log in.
- Huwag kailanman magbigay ng sensitibong personal na impormasyon sa telepono. Hindi hihingin sa iyo ng mga lehitimong operasyon ng suporta sa customer ang impormasyon ng iyong bank account.
- Kung makatanggap ka ng hindi inaasahang pagtatanong mula sa isang taong nagsasabing kinatawan sila ng isang kumpanya o ahensya ng pamahalaan, ibaba ang tawag at tawagan ang numero ng telepono sa iyong account statement, sa phone book, o sa website ng kumpanya o ahensya ng pamahalaan para kumpirmahin kung tunay ang kahilingan.
Kung sa tingin mo ay isa kang biktima ng scam na nauugnay sa mga peer-to-peer na app sa pagbabayad, puwede kang maghain ng reklamo sa Federal Trade Commission (sa English). Para sa mga alalahanin tungkol sa mga P2P na serbisyo, makipag-ugnayan sa Consumer Financial Protection Bureau (sa English).
Para maghain ng mga reklamo sa FCC tungkol sa mga scam sa telepono at text, bisitahin ang fcc.gov/complaints (sa English).