Alam ng karamihan ng mga tao ang tungkol sa phishing – o mga scam sa email – ngunit maaaring hindi nila alam na pwede rin silang puntiryahin ng mga scammer sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na text message na ipinapadala sa kanilang mga smart device. Tinatawag itong "smishing": isang kumbinasyon ng SMS – pinaikling "short message service" – at phishing.
Nagiging mas talamak na ang mga smishing scam ayon sa mga kamakailang balita mula sa Fort Myers, Fla., Buffalo, N.Y., at Canton, Ohio (sa Ingles).
Ang isang karaniwang mensahe ng smishing scam ay maaaring mukhang galing sa bangko – pwedeng bangko mo – at may kasamang link o numero ng telepono para matukso kang mag-click o tumawag. Kung magki-click o tatawag ka, malaki ang posibilidad na maloko ka. At dito magsisimulang kumilos ang mga scammer na magmamanipula sa iyong personal na impormasyon, na mabebenta at/o magagamit nila sa iba pang scam. Maaari ka ring subukang hikayatin ng mga smisher na mag-download ng malware sa iyong device.
Kamakailan, binigyang-linaw ng tech blog na Krebs on Security (sa Ingles) ang tungkol sa talagang masalimuot na smishing scam sa Ohio na nagresulta sa pagnanakaw ng pera mula sa mga bagong "cardless" na ATM na naa-access sa pamamagitan ng mga smartphone. Partikular na mabisa ang mga naturang scam sa paggamit ng mga ito ng mga nakakapanlinlang na taktika para manloko ng mga biktima, ayon sa isang kamakailang artikulo sa betanews (sa Ingles). "Gustung-gusto ng mga kriminal ang smishing dahil karaniwang mas pinagkakatiwalaan ng mga user ang mga text message" kaysa sa email, paliwanag ng artikulo ng betanews.
Narito ang mga bagay na magagawa mo upang maiwasang mabiktima ng pagtatangka sa smishing:
- Huwag kailanman magki-click ng mga link, tutugon sa mga text message, o tatawag sa mga numerong hindi mo nakikilala.
- Huwag tutugon kahit na hinihiling sa iyo ng mensahe na "i-text ang STOP" upang hindi na makatanggap ng mga ganoong mensahe.
- I-delete ang lahat ng kahina-hinalang text.
- Tiyaking na-update sa pinakabagong bersyon ang OS at mga app ng seguridad ng iyong smart device.
- Pag-isipang mag-install ng anti-malware na software sa iyong device para sa karagdagang seguridad.
Patotohanan ang anumang kahina-hinalang text. Kung makakatanggap ka ng text na 'di umano'y mula sa isang kumpanya o ahensya ng pamahalaan, tingnan sa iyong bill ang impormasyon sa pakikipag-ugnayan o hanapin ang opisyal na website ng kumpanya o ahensya. Tumawag o mag-email sa kanila gamit ang ibang nakumpirmang impormasyon sa pakikipag-ugnayan upang makumpirma kung lehitimong text ang natanggap mo. Maaaring makapigil sa scammer ang isang simpleng paghahanap sa web.
Mahalagang punto: Huminto bago ka makipag-ugnayan at pigilan ang kagustuhang tumugon. Ayon sa FBI, mahigit $1.4 na bilyon ang nanakaw sa mga Amerikano dahil sa cybercrime noong 2017 (sa Ingles), at malaking bahagi nito ang nauugnay sa mga paglabag sa personal na data, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, confidence fraud, at panloloko sa credit card na aabot sa daan-daang milyong dolyar sa kabuuan.
Kung sa palagay mo ay biktima ka ng smishing, dapat kang makipag-ugnayan sa tagapagpatupad ng batas upang maiulat ang scam. Maaari ka ring maghain ng reklamo (sa Ingles) sa FCC nang libre. Basahin ang FAQ ng Complaint Center ng FCC (sa Ingles) upang matuto pa tungkol sa hindi pormal na proseso ng pagrereklamo ng FCC, kabilang kung paano maghain ng reklamo, at kung ano ang mangyayari pagkatapos maghain ng reklamo.
Bukod pa rito, maaari kang maghain ng mga reklamo tungkol sa panloloko sa consumer sa Federal Trade Commission (sa Ingles).