Ngayong taglagas, nag-uulat ang ilang lokal na news outlet sa ilang estado (sa Ingles) ng pagdami ng mga tawag mula sa mga scammer na nagpapanggap na taga-IRS. Bagama't hindi bago ang mismong mga scam na may mga tumatawag na nagbababalang may utang kang pera sa IRS dahil sa mga hindi pa nababayarang buwis, maaaring kakaiba ang timing nito para sa ilan.
Sa West Virginia, palagay ni Attorney General Patrick Morrisey na dahil sa kalendaryo ang kamakailang pagdami ng naturang mga tawag (sa Ingles). Sabi ng AG, malamang ay nauugnay ang mga iyon sa paparating na Okt. 15 na deadline ng paghahain para sa mga nagbabayad ng pederal na buwis na humiling ng extension noong nakaraang Abril.
Ang Consumer Protection Division ng Mountain State "ay nakatanggap ng daan-daang tawag tungkol sa naturang scam, kabilang ang ilang nawalan ng pera noong bumili sila ng mga gift card para sumunod sa mga hinihiling ng tumatawag," ayon sa isang ulat ng WHSV TV sa kalapit na Harrisonburg, Va.
Samantala, ang lokal na media sa St. Cloud, Minn., ay nag-uulat ng katulad na IRS scam (sa Ingles). Sa scam na ito, sasabihan ng tumatawag ang mga target na nahaharap sila sa pagkakahabla bilang kriminal at dapat silang makipag-ugnayan sa IRS sa isang numerong ibinibigay ng tumatawag, kundi ay maaari silang maaresto. Ang mga residente ng Fairfield County, Conn., ay nag-uulat din ng naturang mga tawag.
"Sinasabi ng tumatawag na kinakailangang magbayad kaagad ng partikular na halaga ng pera, kundi ay maaaresto ka," sabi kamakailan ng lokal na pulisya sa Connecticut Post (sa Ingles). Binibigyang-diin nila na "hindi tumatawag ang IRS sa mga tao at hindi sila nagbabantang mang-aresto" at gayundin ang sinasabi ng mga alagad ng batas sa iba pang mga munisipalidad.
Mga hakbang para protektahan ang iyong sarili
Huwag magbigay ng alinman sa iyong personal na impormasyon sa telepono. Kung makakatanggap ka ng tawag mula sa isang taong nagsasabing mula siya sa IRS, tandaan:
Kung wala kang utang na buwis at hindi ka pa nakakatanggap ng bill sa koreo bago ang tawag, ibaba kaagad ang tawag. Pagkatapos, tumawag sa Treasury Inspector General for Tax Administration para iulat ang insidente sa 1-800-366-4484.
Kung sa tingin mo ay may utang kang buwis, ibaba ang tawag at tumawag sa IRS sa kanilang opisyal na numero sa 1-800-829-1040 para patunayan ang tawag. Kung may totoong isyu sa buwis, tutulungan ka ng mga empleyado ng IRS sa numerong ito.
Maghain ng reklamo sa FCC
Ang mga consumer ay maaaring maghain ng mga reklamo online (sa Ingles) tungkol sa mga scam sa telepono, kasama ng mga scam ng nagpapanggap na taga-IRS, mga isyu sa pagsingil at serbisyo ng telecom, mga hindi kanais-nais na tawag, at iba pang mga isyung pinangangasiwaan ng FCC. Makakakita ka ng impormasyon tungkol sa impormal na proseso ng pagrereklamo ng FCC, kasama ang kung paano maghain ng reklamo, at anong mangyayari pagkatapos mahain ang isang reklamo, sa webpage ng FAQ ng FCC Complaint Center (sa Ingles).