Dapat maging alerto ang mga beterano sa U.S. na nakakatanggap ng mga tawag o naka-record na mensahe na nagsasabing mula ito sa "mga serbisyo para sa mga beterano."

Ayon sa ulat ng KARE11 (sa Ingles), isang istasyon ng NBC sa Minneapolis, tinatangka ng mga tumatawag na scammer na makakuha ng pinansyal na impormasyon at iba pang personal na detalye mula sa mga beterano.  Sinasabi ng mga tumatawag sa mga dating sundalo na may bagong uri ng mga benepisyo para sa beterano na nauugnay sa mga pagkuha ng bahay sa pamamagitan ng loan.  Batay sa ulat, gumagamit ang mga scammer ng panggagaya ng caller ID upang lokohin ang kanilang mga nilalayong mabiktima.

Kadalasang nag-iiwan ng mga voice message ang mga scammer, gamit ang script na ganito ang sinasabi: Ang iyong VA profile ay na-flag para sa dalawang posibleng benepisyo sa mga pagbabago sa programa ng VA. Ito ay mga karapatang makukuha sa limitadong panahon. Pakitawagan kami kaagad kung maaari.

May kasama sa voicemail na panlokong numerong tatawagan para sa "mga serbisyo sa mga beterano."  Ang mga posibleng biktima na tatawag sa numero ay aalukin ng "mga benepisyo," gaya ng mga pagbabago ng loan sa kanilang mga mortgage, pagkatapos ay hihingin sa kanila ang kanilang personal na impormasyon, kabilang ang mga social security number, petsa ng kapanganakan, at numero ng bank account.

Maaaring gamitin ng mga scammer ang naturang impormasyon na makukuha nila upang magnakaw ng pera sa mga bank account o credit card, o ibenta ang impormasyon sa iba pang nagpapanggap na gumagamit ng ninakaw na pagkakakilanlan para makapanloko.

Kabilang sa iba pang kasalukuyang scam sa telepono na nambibiktima ng mga beterano ang scam na "I-update ang Iyong Dokumento sa Pagkasundalo," ang scam na "Kawanggawa para sa Beterano" at ang scam na "Programang Pagbibigay-daan sa Mga Beteranong Magpasya para sa Pangangalaga," ayon sa kamakailang artikulo sa Forbes (sa Ingles).

Kung makakatanggap ka ng tawag na nag-aalok ng alinman sa "mga serbisyo" na binanggit sa itaas, ibaba kaagad ang telepono.  Kung makakatanggap ka ng voice message, isulat ang numerong pinapatawagan sa iyo at makipag-ugnayan sa tagapagpatupad ng batas upang iulat ang scam.  Maghain din ng reklamo sa FCC sa consumercomplaints.fcc.gov (sa Ingles).

Dapat maging alerto palagi sa anumang hindi inaasahang tawag na humihingi ng personal o pinansyal na impormasyon.

Matuto pa tungkol sa kung paano tumukoy ng panggagaya ng caller ID, at kung paano maiiwasan ang mga scam sa telepono (sa Ingles) at mga hindi kanais-nais na robocall o robotext.

 

 

 

   

 

 

Updated:
Wednesday, September 19, 2018