Higit pang Impormasyon
- Mga Gabay para sa Consumer: Mga Robocall | Panggagaya
- Help Center ng Consumer (sa English)
Ngayong panahon ng halalan, tulad ng mga nakaraang halalan, malamang na darami ang mga tawag at text mula sa mga pampulitikong kampanya. Bagama't nakabukod ang mga tawag at text ng kampanya sa mga kinakailangan ng Listahan ng Huwag Tawagan, may mga partikular na panuntunan ang Telephone Consumer Protection Act na dapat sundin ng mga ito.
Sa pangkalahatan, nangangailangan ng paunang pahintulot ang mga robocall at robotext na ipapadala sa mga mobile phone, habang papayagan nang walang paunang pahintulot ang mga tawag sa mga landline. Pero may mga pagbubukod na inilalarawan sa ibaba.
Mga Paghihigpit sa Pampulitikang Robocall
Ang mga naka-autodial o naka-prerecord na voice call, kasama ang mga naka-autodial na live na tawag, naka-autodial na text, at naka-prerecord na voice message na nauugnay sa pampulitikang kampanya, ay ipinagbabawal sa mga cell phone, pager, o iba pang mobile device nang walang hayagang pahintulot ng tinatawagang partido. Nalalapat ang mga parehong paghihigpit sa mga protektadong linya ng telepono gaya ng mga pang-emergency o toll-free na linya, o linyang pinagsisilbihan ang mga ospital o mga katulad na pasilidad.
Pinapahintulutan ang mga naka-autodial o naka-prerecord na voice call na nauugnay sa mga pampulitikang kumpanya kapag isinasagawa ang mga ito sa mga landline na telepono, kahit na walang paunang hayagang pahintulot.
Dapat may kasamang partikular na impormasyon ng pagkakakilanlan ang lahat ng naka-prerecord na voice message na tawag, nauugnay man ang mga ito sa kampanya o hindi:
- Dapat malinaw na sabihin sa simula ng naka-prerecord na mensahe ang pagkakakilanlan ng negosyo, indibidwal, o ibang entity na tumatawag.
- Kung isang entity ng negosyo o kumpanya ang tumatawag na partido, dapat malinaw na sabihin nito ang opisyal na pangalan ng negosyo ng entity sa simula ng mensahe.
- Dapat ibigay ang numero ng telepono ng tumatawag na partido, habang tumatawag o pagkatapos sabihin ang mensahe.
Mga Pampulitikang Robotext
Ang mga robotext - mga text message na nabubuo sa pamamagitan ng mga awtomatikong pag-dial - ay itinuturing ding isang uri ng tawag at napapailalim ang mga ito sa lahat ng panuntunan sa robocall.
Dahil karaniwang ipinapadala ang mga text message sa mga mobile phone, kinakailangan ng mga robotext ang paunang hayagang pahintulot ng tinatawagang partido. Gayunpaman, puwedeng ipadala ang mga pampulitikang text message nang walang paunang pahintulot ng nilalayong tatanggap kung hindi gumagamit ng teknolohiyang awtomatikong pag-dial ang nagpadala ng mensahe para magpadala ng mga naturang text at sa halip ay manwal na dina-dial ng nagpadala ang mga ito.
Iulat ang Mga Hindi Gustong Tawag at Text
Kung sa tingin mo ay nakatanggap ka ng pampulitikang robocall o text na hindi sumusunod sa mga panuntunan ng FCC, puwede kang maghain ng hindi pormal na reklamo sa FCC sa fcc.gov/complaints (sa English). Kung nakakatanggap ka ng mga text na hindi mo hiniling, iulat ang nagpadala sa pamamagitan ng pagpasa sa mga text sa 7726 (o "SPAM"). Dapat ding igalang ng mga kampanya ang mga kahilingang mag-opt out kung sasagot ka ng "STOP."
Matuto pa
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga robocall at text, bisitahin ang fcc.gov/robocalls/tagalog. Ang aming gabay para sa consumer ay may mga kasamang tip na tutulong sa iyong tumukoy ng mga scam at maiwasan ang mga hindi gustong tawag at text, pati na rin ng mga link sa mga resource para mag-block ng mga tawag.