Hindi natitiis kadalasan ng mga lolo’t lola ang kanilang mga apo, at alam ito ng mga con artist.
Ayon sa mga balita kamakailan, ang mga scammer na nagkaroon ng access sa personal na impormasyon ng mga consumer ay gumagamit ng mga “sinu-spoof” o ginayang caller ID at gumagawa ng mga kwento upang samantalahin ang pag-aalala ng mga lolo’t lola. Karaniwang nagpapanggap ang mga scammer bilang mga nagigipit na apo, na humihingi ng agarang pinansyal na tulong, at maaari silang “mag-spoof” o manggaya ng caller ID para palabasin sa telepono ng tinatawagan na galing sa isang pinagkakatiwalaang numero ang tawag.
Sa isang naturang ulat, na-scam kamakailan ang isang 75 taong gulang na lalaki mula sa Arizona at nakuhanan siya ng $960, na paunang bayad di-umano sa piyansa ng kanyang apo para sa kasong DUI sa Florida. Ayon sa Daily Courier (nasa wikang Ingles) sa Prescott, Ariz., may isang tao na nagpanggap na apo ng lalaki habang may isa pang tao na nagpanggap na abogado ng kanyang apo. Sinabi ng dalawa na kailangan nila ng pera sa lalong madaling panahon dahil kung hindi ay makukulong ang kanyang apo, at bukod pa rito, hiniling nila sa lolo na huwag itong sabihin sa mga magulang ng kanyang apo.
Ang totoo, walang anumang nangyaring pag-aresto; gayunpaman, may sapat na personal na impormasyon ang mga scammer upang mapaniwala ang lolo, na nagpadala ng pambayad.
Sa iba pang lugar, ayon sa ulat ng Lansing State Journal (nasa wikang Ingles), isang babae mula sa Michigan ang na-scam kamakailan at nakuhanan ng $4,000, na perang pampiyansa di-umano upang hindi makulong ang kanyang apo na isang mag-aaral sa kolehiyo sa Michigan State University. Gawa-gawang kwento lang din ang sinabi ng tumawag. Ayon sa mga lokal na awtoridad sa pagpapatupad ng batas, sinu-spoof o dinadaya ang caller ID upang mapalabas ito bilang 9-1-1 sa ganitong uri ng scam.
Sa paghahanap sa web, maraming katulad na balita sa nakalipas na ilang buwan ang nakita kung saan iba’t iba ang paraan ng panloloko.
Ano ang pinakamainam na payo para sa ganitong uri ng scam, o anumang sinu-spoof na tawag sa telepono? Ibaba kaagad ang telepono. O kaya, kung mayroon kang caller ID at hindi mo nakikilala ang numero ng telepono ng tumatawag, hayaan itong mapunta sa voicemail. Kung nag-aalala ka para sa isang mahal sa buhay, direktang makipag-ugnayan sa kanya, sa mga kapamilya niya, o sa kanyang mga kaibigan upang matiyak na nasa maayos siyang kalagayan.
Gayunpaman, kung makakausap ka, sundin ang mga tip na ito:
- Huwag na huwag magbibigay ng personal na impormasyon gaya ng mga numero ng account, Social Security number, pangalan sa pagkadalaga ng ina, mga password, o iba pang impormasyong nagbibigay ng pagkakakilanlan bilang tugon sa mga kahina-hinalang tawag o sa mga tumatawag na nagpapamadali sa iyo.
- Maaaring i-spoof o dayain ng mga scammer ang caller ID ng kanilang numero upang palabasing galing ito sa isang pinagkakatiwalaang numero.
- Kung sinasabi ng tumatawag na kinakatawan niya ang isang kumpanya o ahensya ng pamahalaan para kumuha ng personal na impormasyon, ibaba ang telepono at kumpirmahin ang katotohanan ng kahilingan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mismong kumpanya o ahensya, gamit ang impormasyong makikita sa opisyal na website nito o sa pamamagitan ng iba pang paraan gaya ng phone book.
- Kung sinasabi ng tumatawag na kinakatawan niya ang isang kumpanya kung saan mayroon kang account – gaya ng utility o bangko – ibaba ang telepono at tingnan ang impormasyon sa pakikipag-ugnayan na nasa kamakailang bill o statement, at pagkatapos ay tawagan mismo ang kumpanya.
Mag-ingat kung ginigipit ka na agarang magbigay ng impormasyon. Kadalasan, sinusubukan ng mga scammer na takutin ang mga biktima para pumayag sa mga paraan ng pagbabayad na may kaugnay na pagbibigay ng mga credit card number, pag-wire ng pera, o pagbili ng mga gift card o money order. Mag-ingat sa anumang ganoong aktibidad at iulat ito sa lokal na tagapagpatupad ng batas. Maaari ka ring maghain ng reklamo sa FCC (nasa wikang Ingles) o sa Federal Trade Commission (nasa wikang Ingles) (tingnan din ang ftc.gov/imposters (nasa wikang Ingles)).
Ang mga nakakatanda sa America ay madalas na pinupuntirya ng mga scam artist, at ang isa sa pinakamahuhusay na paraan upang mapigilan ito ay ang pagkakaroon ng kaalaman ng consumer. Ang FCC ay mayroong mga gabay para sa consumer tungkol sa sinu-spoof na caller ID at mga ilegal na robocall na may mga karagdagang tip at madudulugan sa web para sa mga app at serbisyo na nagba-block ng tawag. Kung isa kang nakakatanda sa America o kung mayroon kang nakakatandang kamag-anak, kaibigan, o kapitbahay, ibahagi sa kanila ang impormasyong ito. Maaari mo ring tingnan ang mga post hinggil sa pagkakaroon ng kaalaman ng consumer mula sa AARP (nasa wikang Ingles) at Better Business Bureau (nasa wikang Ingles).
Maghain ng reklamo sa FCC
Maaaring maghain ang mga consumer ng mga reklamo sa FCC (sa Ingles) tungkol sa mga hindi inaasahang tawag at panloloko, gayundin sa telecom billing, mga isyu sa serbisyo, at iba pang usaping binabantayan ng FCC. Makikita ang impormasyon tungkol sa proseso ng hindi pormal na reklamo ng FCC, kabilang ang paraan ng pagrereklamo, at kung ano ang mangyayari pagkatapos maghain ng reklamo sa FAQ sa Center ng Reklamo ng FCC (sa Ingles).