Sa pagdiriwang ng Buwan ng Sundalong Consumer (Nasa wikang Ingles), tumutulong ang FCC sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga scam na pamemeke kung saan gumagamit ang manloloko ng robocall at panggagaya ng caller ID upang biktimahin ang mga sundalo ng U.S. at pati ang kanilang mga pamilya.
Ipinaliwanag sa kamakailang artikulo ng Better Business Bureau (Nasa wikang Ingles) na ang pagkakaroon ng garantisado at tuluy-tuloy na kita ng mga miyembro ng militar at ng mga pamilya nito ang dahilan kung bakit sila nagiging mga target. Ang buhay militar ay may kaugnay na mga kautusan sa pagdestino at paglipat ng lugar, kung saan mas madalas na kinakailangan ng mga sundalong magbahagi ng personal na impormasyon para sa pagbubukas ng mga bagong account sa bawat lilipatan. Dahil sa ganitong aktibidad, tumataas ang peligro ng mga paglabag sa impormasyon na nagiging dahilan upang mas madaling mabiktima sa scam ang mga miyembro ng hukbo.
Iniulat ng Military.com kamakailan na may mga scam caller na nagpapanggap na mga kinatawan ng TRICARE, isang programa sa pangangalagang pangkalusugan para sa tauhan ng militar (Nasa wikang Ingles). Humihingi ang mga scammer ng personal na impormasyon na maaaring gamitin sa mga scam na pamemeke upang manloko ng mga lolo o lola o iba pang kapamilya ng sundalo.
Ayon din sa ulat ng Military.com (Nasa wikang Ingles), isang 84 na taong gulang na lola ng sundalo ang nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang lalaki na nagbalitang “pauwi na ang kanyang apo mula sa Iraq dahil naka-leave para sa holiday, ngunit hinarang siya at nawala ang kanyang wallet at military identification card.” Naghinala ang lola at matalino niyang naiwasan ang scam at ang posibilidad na manakawan sila.
Nagsisikap ang FCC na makagawa ng mga solusyong tutulong sa pagpigil sa mga ganitong uri ng mga scam sa telepono, na kadalasang gumagamit ng mga pamamaraan ng panggagaya upang subukang linlangin ang mga consumer sa pagsagot sa kanilang mga tawag sa pamamagitan ng pagbago ng kanilang caller ID at paggamit ng numerong mas malamang na sagutin ng mga consumer. Pansamantala, inirerekomenda naming sundin ang mga sumusunod na tip na ito:
- Huwag sumagot ng mga tawag mula sa mga hindi kilalang numero. Kung masasagot mo ang naturang tawag, ibaba kaagad ang telepono.
- Kung sasagutin mo ang telepono at hihilingin sa iyo ng tumatawag - o ng naka-record na boses - na pindutin ang isang button upang hindi ka na makatanggap ng mga tawag, dapat mo lang ibaba ang telepono. Madalas na ginagamit ng mga scammer ang panlilinlang na ito upang matukoy ang mga potensyal na target.
- Huwag sumagot sa anumang tanong, lalo na sa mga tanong na nasasagot ng "Oo." Maaaring i-record ng mga scammer ang iyong mga sagot at gamitin ang mga ito para sa pagpapahintulot gamit ang boses sa mga aktibidad ng panloloko.
- Huwag na huwag magbibigay ng personal na impormasyong gaya ng mga numero ng account, Social Security number, apelyido sa pagkadalaga ng ina, password, o iba pang nagpapakilalang impormasyon bilang tugon sa mga hindi inaasahang tawag o kung may napapansin kang kahina-hinala.
- Kung uusisain ka ng isang taong nagsasabing kinatawan siya ng isang kumpanya o ahensya ng pamahalaan, ibaba ang telepono. Maaari mong tawagan ang numero ng telepono sa iyong statement ng account, phone book, o sa website ng kumpanya o ahensya ng pamahalaan upang kumpirmahin kung totoong sila ang tumawag sa iyo. Karaniwan ka ring makakatanggap muna ng sulat na ipinadala sa pamamagitan ng koreo bago ka makatanggap ng tawag sa telepono mula sa isang lehitimong pinagmulan, partikular kung humihingi ng bayad ang tumatawag.
- Mag-ingat kung ginigipit ka sa agarang pagbibigay ng impormasyon.
- Maging alerto palagi sa anumang kahina-hinalang aktibidad at iulat ito sa lokal na tagapagpatupad ng batas.
Maghain ng reklamo sa FCC
Madalas na kami sa FCC ang unang nakakarinig ng tungkol sa mga scam sa telepono sa pamamagitan ng mga reklamong inihahain ng mga consumer sa amin. Maaari kang maghain ng mga reklamo sa FCC (Nasa wikang Ingles) tungkol sa mga hindi kanais-nais na tawag at panggagaya, kasama ng telecom billing, mga isyu sa serbisyo, at iba pang bagay na pinangangasiwaan ng FCC. Makikita ang impormasyon tungkol sa impormal na proseso ng pagrereklamo ng FCC, kabilang kung paano maghain ng reklamo, at ano ang mangyayari pagkatapos maihain ang reklamo, sa Madalas na Itanong sa Complaint Center ng FCC (Nasa wikang Ingles).