Nakatanggap ang FCC ng ilang reklamo ng consumer tungkol sa mga scammer na sumusubok na magnakaw ng pera o personal na impormasyon sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga empleyado ng Chinese consulate. Tina-target ang mga taong may Chinese na apelyido, pati ang ilang random na consumer sa mga lugar na may malalaking komunidad ng Chinese, ayon sa maraming ulat ng balita.
Bagama't iba-iba ang mga kwento para sa mga scam na tawag na ito, madalas na nagsisimula ang mga ito sa isang taong nagpapanggap na tauhan ng Chinese consulate na nagsasabing may parcel o package na naka-address sa taong tinawagan at hinihintay na kunin ito sa consulate. Pagkatapos, sasabihin ng "opisyal" na nasasangkot ang package sa isang pagsisiyasat ng krimen at mag-aalok siya na lutasin ang sitwasyon sa pamamagitan ng money transfer o pagbabayad gamit ang credit card. Sa ilang sitwasyon, maaaring manghingi lang ang scammer ng impormasyon ng bank account.
Kung makakatanggap ka ng tawag na may alinman sa mga palatandaan ng scam na ito, o kaya ay mukhang kahina-hinala, ibaba kaagad ang tawag. Tandaan din na maaaring gumamit ang mga scam caller ng spoofing technology para madoktor ang impormasyon ng caller ID para magmukhang nagmula sa tunay na Chinese consulate ang tawag.
Para mapatunayan kung totoo nga ang tawag, maaari kang direktang makipag-ugnayan sa iyong lokal na Chinese consulate sa pamamagitan ng paghahanap sa impormasyon sa pakikipag-ugnayan nito sa isang phone directory o sa isang opisyal na website. Nagbigay ng mga babala ang ilang Chinese consulate sa U.S. tungkol sa scam na ito, gayundin ang FTC (sa wikang Ingles).
Kung makikipag-usap ka man, huwag magbigay ng personal o pinansyal na impormasyon gaya ng mga numero ng account, Social Security number, pangalan sa pagkadalaga ng ina, password, o iba pang impormasyon bilang tugon sa mga kahina-hinalang tawag o sa mga tumatawag na nag-uutos ng agarang pagkilos. Mag-ingat din kung pinipilit kang magbigay kaagad ng impormasyon o pera. Kadalasang sinusubukan ng mga scammer na takutin ang mga biktima hanggang sa mahulog ang mga ito sa patibong ng pagbabayad.
Palaging maging alerto para sa anumang ganoong aktibidad at iulat ito sa lokal na tagapagpatupad ng batas.
Maghain ng reklamo sa FCC
Maaaring maghain ang mga consumer ng mga reklamo sa FCC (sa Ingles) tungkol sa mga hindi inaasahang tawag at panloloko, gayundin sa telecom billing, mga isyu sa serbisyo, at iba pang usaping binabantayan ng FCC. Makikita ang impormasyon tungkol sa proseso ng hindi pormal na reklamo ng FCC, kabilang ang paraan ng pagrereklamo, at kung ano ang mangyayari pagkatapos maghain ng reklamo sa FAQ sa Center ng Reklamo ng FCC (sa Ingles).