Normal na ngayon para sa milyun-milyong Amerikano ang manatili sa bahay dahil sa mga alituntunin para sa pampublikong kalusugan kaugnay sa social distancing. Dahil hindi na umaalis para sa paaralan ang mga bata, nagtatrabaho sa bahay ang mga magulang, at nangangailangan ang lahat ng access sa internet, mahalagang i-optimize ang performance ng iyong home network.
Para makatulong na ma-optimize ang performance ng iyong network, inaalok ng FCC ang mga sumusunod na tip.
Tingnan ang Iyong Plan
Una, tingnan ang iyong internet plan. Sa anong bilis ng serbisyo ka naka-subscribe? Sapat ba ito para matugunan ang anumang mga bagong kinakailangan? Maaaring makatulong ang mga gabay sa consumer ng FCC sa paggamit ng broadband sa bahay at mga bilis ng broadband para matukoy mo ang mga kinakailangan mong bilis ng Internet para sa paggamit sa bahay.
Subukan ang Bilis ng Serbisyo Mo
Puwede kang mag-download ng mga app na pansubok ng bilis ng broadband, o bumisita sa mga website na pansubok ng bilis, para tingnan ang kasalukuyang bilis ng pag-download at pag-upload ng broadband mo, na sinusukat sa Mbps (megabits per second).
Kung mas mabagal ang iyong serbisyo kaysa sa inaasahan, dapat kang makipag-ugnayan sa iyong Internet service provider para malaman kung nag-aalok sila ng mga tip sa pag-troubleshoot, o kung nagkaproblema sa serbisyo sa iyong lugar na posibleng nakakaapekto sa iyong mga bilis. Minsan, nagagawa ng simpleng pag-reboot sa router—pag-off dito at pagkatapos ay pag-on muli—na malutas ang problema.
Kung hindi gumana ang mga tip na ito, posibleng may isyu sa kagamitan mo, gaya ng luma nang router. Hanapin ang model number sa iyong router para matingnan kung kaya nitong maibigay ang iyong na-subscribe na bilis. Posibleng kailangang i-update ito para masulit ang mas mabibilis na serbisyo. Kung walang available na mga update, posibleng kailanganin mong bumili ng bagong router o magrenta ng na-upgrade na router mula sa iyong service provider.
Connectivity sa Bahay
Ginagamit ng karamihan sa mga sambahayan na may serbisyo ng Internet sa bahay ang serbisyo ng Wi-Fi (wireless) ng kanilang router sa bahay. Kapag maraming wireless devices ang gumagamit sa iisang Wi-Fi network, puwede nitong maapektuhan ang performance at magdulot ng lag, o mas mabagal na pagtugon.
Madalas na mayroon ang mga modernong wireless router ng dalawa o higit pang Wi-Fi signal: isa sa 2.4 GHz band at isa sa 5 GHz band.
Karaniwang mas malawak na saklaw ang naiaalok ng mga koneksyong 2.4 GHz, pero mas mabagal nitong napoproseso ang data kaysa sa mga koneksyong 5 GHz. 2.4 GHz din ang frequency na ginagamit ng karamihan ng mga pambahay na device at karamihan ng Wi-Fi router. Kung makakita ka ng listahan ng iba pang mga available na Wi-Fi network sa mga setting ng Wi-Fi ng iyong router, puwedeng maapektuhan ng mga kalapit na network na iyon ang iyong performance.
Mas mabilis ang mga router na gumagamit ng koneksyong 5 GHz, pero mas maliit ang nasasaklawan ng signal nito kaysa sa mga 2.4 GHz band. Bukod sa mas mabilis ito, posibleng hindi masyadong naaapektuhan ng mga kalapit na Wi-Fi network ang 5 GHz band at nakapagbibigay ito ng mas stable na mga koneksyon.
Pag-isipang ilaan ang 5 GHz network sa iyong router sa iyong mga pinakamahalagang paggamit, gaya ng para sa trabaho o paaralan. Palitan ang password o pamahalaan ang mga device na nag-a-access sa iyong Wi-Fi network para mapigilan ang mga hindi mahalagang device sa pagkonekta. Para sa mga mas advanced na opsyon sa partisyon ng network, kumonsulta sa manual ng iyong router. Para masulit ang saklaw ng Wi-Fi sa iyong bahay, subukang ilagay ang iyong router sa gitnang lokasyon. Makakatulong din ang Wi-Fi range extender o mga mesh network router na mapalakas ang signal ng Wi-Fi sa buong bahay mo.
Ang isang direktang koneksyon gamit ang ethernet cable sa pagitan ng iyong router at device na nag-a-access sa Internet—gaya ng kableng nagkokonekta sa iyong laptop at router—ang makapagbibigay ng pinakamabilis na koneksyon at magpapagaan sa mga isyu sa pagsisikip sa Wi-Fi. Pag-isipang ilipat ang iyong router sa kwarto kung saan mo ginagawa ang karamihan ng iyong aktibidad sa online para maikonekta mo nang direkta sa router ang iyong device. Kung walang ethernet port ang iyong laptop (o iba pang Internet device gaya ng streaming TV o gaming system), pag-isipang gumamit ng USB ethernet adaptor.
Tandaang palaging isaisip ang seguridad, lalo na kapag nagtatrabaho sa bahay. Matuto pa sa FTC guide (sa English) na ito.
Gumawa ng Iskedyul sa Paggamit ng Internet
Kahit ang mga pinakabagong Wi-Fi router na may mabibilis na serbisyo ay posibleng bumagal dahil sa pagsasabay-sabay ng paggamit ng pamilya ng mga user gaya ng pag-stream ng video, paglalaro ng mga graphics-intensive na laro, paggamit ng mga virtual private network (VPN) para sa trabaho, at video conference. Magtakda ng mga alituntunin sa iyong mga kapamilya at pag-usapan ang mga pang-araw-araw na iskedyul para maiwasan ang mga isyu sa performance at mabigyang priyoridad ang paggamit.
Kung walang nakapirming oras ang iyong trabaho, posibleng makapagtrabaho ka sa mga oras na hindi mataas ang trapiko sa iyong home network.
Tingnan ang Iyong Mga Opsyon
Kung malakas ang cellular signal sa bahay mo, ang isa pang paraan para mapagaan ang pagsisikip sa Wi-Fi network sa bahay ay idiskonekta ang iyong mga cellular device sa iyong Wi-Fi network. Puwede mo ring magamit ang iyong cellular device bilang mobile hotspot, kung saan puwede mong ikonekta ang mga hindi cellular device gaya ng laptop sa iyong cellular service. Gayunpaman, bago ilipat ang anuman sa iyong mga device sa cellular lang na serbisyo, tingnan ang iyong cellular data plan para matiyak na hindi ka lalampas sa anumang data cap at hindi magkakaroon ng mga singil sa sobrang paggamit. Puwede mo ring tingnan ang mga opsyon para sa nakapirming serbisyo ng wireless o iba pang alternatibo sa cellular sa iyong lugar.
Kung wala kang nakikitang pagsisikip sa iyong Wi-Fi network sa bahay, puwedeng makatipid ng data at mabawasan ang posibleng pagsisikip sa mga mobile network kung io-on ang Wi-Fi at pagtawag gamit ang Wi-Fi mula sa iyong smartphone. Puwede rin itong makatulong na mapigilan ang mga pagsingil sa sobrang paggamit ng data sa iyong mobile phone plan.
Maraming service provider ang nangako na magbibigay ng mga libreng Wi-Fi hotspot sa panahon ng pambansang emergency dahil sa coronavirus. May ilang nag-aalok ng mga diskwento o pansamantalang upgrade sa murang halaga o nang libre sa panahon ng krisis, o pag-aalis sa mga cap sa mga data plan. Alamin pa kung ano ang ginagawa ng mga carrier para suportahan ang kanilang mga customer (sa English).
Kailangan ng Serbisyo ng Internet sa Bahay?
Bisitahin ang EveryoneOn (sa English) para maghanap ng mga murang alok sa serbisyo ng Internet mula sa mga provider na tumutugon sa krisis ng COVID-19. Ang EveryoneOn ay isang nonprofit na nakalaan sa paggawa ng oportunidad na panlipunan at pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pagkonekta sa mga pamilyang may mababang kita sa abot-kayang serbisyo ng Internet at mga computer, at pagbibigay ng pagsasanay sa mga kakayahang digital.
Nagbibigay din ang programang Lifeline (sa English) ng suporta para mas mapababa ang halaga ng serbisyo para sa mga kwalipikadong sambahayan.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga pagsisikap ng FCC na ikonekta sa broadband ang mga Amerikano, bisitahin ang aming webpage ng Bridging the Digital Divide for All Americans (sa English).