Isang Dosenang Pinakamalalang Scam sa Buwis ayon sa IRS

Naglabas kamakailan ang IRS ng taunang listahan nito ng "isang dosenang pinakamalalang" scam sa buwis (sa Ingles), na nakatuon sa mga scam na phishing, na kinabibilangan ng paggamit ng mga pekeng text message na nagpapanggap na mula sa ahensya. Kilala ang ganitong uri ng scam bilang smishing. Para matuto pa tungkol sa mga scam na smishing, basahin ang Post sa Help Center ng Consumer ng FCC.

Higit Pang Impormasyon para sa Consumer ng FCC

Panahon na naman – kapag nagsimula na ang tagsibol, umiinit na naman ang panahon, at parang mga damo sa hardin na nagsusulputan ang tawag sa teleponong scam sa buwis.

Walang pinipiling panahon ang mga scammer, pero sinasamantala nila ang partikular na panahon ng gawain ng Internal Revenue Service. Maaaring nakatuon ka sa pag-iipon ng mga resibo para sa mga nakalistang kaltas, habang nakatuon din ang masasamang tao sa panggagaya ng mga ahente ng IRS. Para magawa ito, gumagamit sila ng teknolohiyang tinatawag na panggagaya para magpakita sa caller ID ng telepono mo ng numerong aakalain mong mula sa IRS para malinlang ka sa pagsagot nito.

Para maiwasang mabiktima ng scam, makakatulong na malaman kung ano ang ginagawa at hindi ginagawa ng IRS.

Sa webpage nito, nagbibigay ng impormasyon ang IRS tungkol sa kung paano malalaman kung talagang sila ang tumatawag (sa Ingles). Ang unang bagay na dapat malaman ay isinasagawa ng IRS ang karamihan sa pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng regular na sulat na ipinapadala sa pamamagitan ng Postal Service ng U.S. Kung may taong tumawag sa iyo na nagsasabing mula siya sa IRS, dapat kang maging alerto, lalo na kung wala kang natanggap sa koreo na liham ng abiso bago iyon.

Hindi rin ginagawa ng IRS ang:

  • Tumawag para manghingi ng agarang bayad gamit ang isang partikular na paraan ng pagbabayad tuladng prepaid na debit card, gift card o wire transfer. Ayon sa pangkalahatang alituntunin, magpapadala muna sa iyo ng bill ang IRS kung may anumang buwis kang dapat bayaran.
  • Magbantang kaagad na magdadala ng lokal na pulis o iba pang grupo sa pagpapatupad ng batas para singilin o arestuhin ka dahil sa hindi pagbabayad.
  • Pagpapabayad sa iyo ng mga buwis nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magtanong o umapela sa halagang sinasabi nilang dapat mong bayaran.
  • Hingiin ang numero ng credit, debit, o gift card sa telepono.

Nagbibigay ang IRS ng mga partikular na tagubilin tungkol sa kung paano ka makakapagbayad ng buwis sa irs.gov/payments (sa Ingles).

Huwag ibigay sa telepono ang alinman sa iyong personal na impormasyon. Kung makatanggap ka ng tawag mula sa isang taong nagsasabing mula siya sa IRS, tandaan na:

  • Kung wala kang utang na buwis at hindi ka kailanman nakatanggap ng bill na ipinadala sa koreo bago ang tawag na iyon, ibaba kaagad ang telepono. Pagkatapos ay tawagan ang Treasury Inspector General for Tax Administration para iulat ang insidente sa 1-800-366-4484. Kung posible, iulat ang numero ng teleponong ginamit sa kahina-hinalang tawag.
  • Kung sa palagay mo ay may mga dapat kang bayarang buwis, ibaba ang telepono at tawagan ang IRS sa opisyal nitong numero sa 1-800-829-1040 upang kumpirmahin ang tawag. Kung mayroong valid na isyu sa buwis, tutulungan ka ng mga empleyado ng IRS na makakausap sa numerong ito.

Karaniwan na ang mga ginagayang pagtawag na nagpapanggap na mga pederal na ahensya. Nakakatanggap ang FCC sa buong taon ng mga reklamo ng consumer tungkol sa mga pekeng tawag ng IRS, pero mas nadaragdagan ang bilang ng mga reklamo sa pangkalahatan kapag panahon ng pagbabayad ng buwis.

Nagbibigay ang FCC ng mga makakatulong na tip para maiwasan ang mga scam na panggagaya at mga robocall, kasama ang mga post sa Help Center ng Consumer (sa Ingles) tungkol sa mga kamakailang scam gaya nito.

Kung sa palagay mo ay nabiktima ka ng panlolokong may kaugnayan sa robocall o panggagaya ng caller ID, makipag-ugnayan sa tagapagpatupad ng batas para iulat ang scam. Maaari ka ring maghain ng reklamo (sa Ingles) sa FCC nang wala kang babayaran. Basahin ang Madalas na Itanong sa Complaint Center ng FCC (sa Ingles) para malaman ang higit pa tungkol sa impormal na proseso sa pagrereklamo ng FCC, kabilang kung paano maghain ng reklamo, at ano ang mangyayari pagkatapos maihain ang reklamo. Maaari ka ring maghain ng mga reklamo sa FTC (sa Ingles) tungkol sa panloloko sa consumer, kabilang ang panlolokong nagreresulta mula sa mga ginayang pagtawag sa telepono.